Lumuluhang Bangkay: Ikalawang Aklat


Taong 2009

Sinong papalit sa bansot na nilalait?
FPJ na sikat, namatay na kay pait
humilera na ang mga trapo, ipinakita ang mga puwit
sa tronong luklukan, tunay na ipipilit.

Ano ang halalan kung walang dugo
sa bayang sawi, lahat gustong maging pinuno
Sa malayong Maguindanao, pinatay mahigit limampo
Pati ang buntis, binaril ng walang awa, walang puso.

Sa kandungan ng LP ay nagladlad ang mga pulpol
Si Roxas ang nangunguna, lahat ay humahabol
Ngunit dagok ng kapalaran, namatay si Corazon,
humirit ang walang muwang, kumandidato si Ngoy-ngoy!

Tulad ng inang sa halalan ay “nanalo”
Dahil sa pighati at luha ng balo
Anak na pakaang-kaang kung hindi tuliro
Aba sus ginoo, siya ang magiging Pangulo.

Nasaan ka Huwan, gumising ka naman
Iparating sa madla kabalbalang katotohanan
Tamad na may topak, pakiusap huwag naman
Huwang kawawa, nasagasaan sa tuwid na daan.

Taong 2010

I. Naluklok sa Malakanyang P-Noy na Aquino
Anak ng mga “bayani”, tuwid na tuwid kuno
patatalsiking lahat magnanakaw sa gobyerno
walang mahirap kung walang korap ang kanyang pangako.

Nakalimutan yata ang mga Kabarkada
Kaibigan. Kaklase, Kamag-anak at iba pa
Kabarilan, Kainuman, mga Kalarong masasaya
Inilagay sa posisyon upang magpasasa?

Tuwid na daang walang siga, walang wang-wang
Unang inupakan, Bangit na Heneral
Amuyong daw ni Arroyo na dapat matanggal
Isinunod si Coronang naalis nang bilisan.

Arroyong dating pangulo sinampahan ng kaso
Galing sa Malakanyang, bagsak ay kalaboso
Biglang nagkasakit, humingi ng TRO
Sagot ni P-Noy, ano ka sinuswerte, neknek mo.

Nasaan ka Huwan sa bagong kaharian
Ikaw ba’y Kabarkada o tunay na Kalaban
Sa hustisyang minadali, mga hukom ay binayaran
Tama o mali, ikaw ba’y may pakialam?

II. Doon sa Luneta na kanlungan ni Rizal
Pulis na may hinaing nang hostage ng dayuhan
payak na negosasyon nabako ng tuluyan
pumutok ang mga baril, kay dami ng patay.

Sino ang may sala, sino ang dapat sisihin
Si Puno ba, si Robredo o si Lim?
Imbestigasyong pulpol nabalot sa dilim
Dami ng bulilyaso, wala namang umamin.

Lumabas na katawatawa pamahalaang Pilipinas
P-Noy na bagito, kinantiyawan ng marahas
daming pumula, daming humalakhak
Wala siyang pake, sa video game nagpalipas.

Huwang lumuluha bakit napaka-tahimik
Pag-asa ba’y naglaho na sa madilim na langit
ano ang kinabukasan ng mga Pilipinong paslit
gutom at dalita, apdong kay pait?
Taong 2011

Kay sagwa ng mga tanong sa dating Heneral
tutuo bang may pabaong milyong karumaldumal?
sa tindi ng kastigong hindi na nakayanan
sa puntod ng ina, pinili’y kamatayan.

Sandatahang lakas na binigkis ng dugo
wala ng maipagmalaki, mga ulo’y nakatungo
mga buhay na ibinuwis, mga pighating binuno
kabayanihang walang katulad sa luha naglaho.

Nagpiyesta ang mga buwaya sa kampon ng senado
Pagnanakaw ay natakpan ng mga piping sundalo
Mga heneral ang korap, mga ganid na berdugo
Sa walang tinag na pagkakatayo, mura at lait tinanggap ng totoo.

Sa malayong kabundukan, sa pag-asa ng bukas
Kabataang matitino, inalipusta, binalasubas
Pamantasan ng mga Milyonaryo, ng mga mandurugas
Sigaw na nakabibingi, dagok na walang puknat.

Tinimpi ang galit, sinunod ang pamantayan
Katapangan, Katapatan, Kabuoan sa bayan ay alay
Tugon sa suklam ay pangako hanggang kamatayan
Buhay na aba, para sa Pilipinas lamang.

Ano naman ang sabi ng mga mamamayan
Sa moro-morong imbestigasyon na wala namang saysay
Sige tawa na lang, ngitngit at batikos walang patutunguhan
isang kahig, isang tuka, pulpol na kapalaran.

Nakikita mo ba Huwan ang burak sa kanilang mukha
sa salaming basag, naglaho ang mga muta
kasakima’y walang hanggan, mga halang ang kaluluwa
Ihasa mo ang iyong gulok, Huwan, ‘yan ang tanging pag-asa.
Taong 2013

I. Tuwid na daan daw ang pamahalaan ni Aquino
Paniwala ang madla, oo lang ng oo,
Ngunit sumambulat “pork” ng Ina Mo,
Sampung bilyong kinurakot ng mga ganid na manloloko.

Sa pamamaraan ni Napoles magaling ang pagnanakaw
pampataba ng lupa tunay na kayamanan
mga mambabatas na korap, nagpasasa ng tuluyan
mga salaping kinamkam lagpas pa sa kamatayan.

Mahigit sa isang daan, mga mandurugas na idinawit
mambabatas daw, at kagalanggalang, ‘yon pala’y mga buwisit
ngunit sa idinamidami, tatlo lang ang napiit
sa mga alipores ni Aquino, ni isa hindi sumabit.

Ngumawngaw ang mga tao sa maladambuhalang nakawan
sa Luneta’y nagsisisigaw, pagngangalit na walang param
ngunit ang pamahalaan, bingi at walang pakiramdam
galit na hanggang langit, nauwi sa kawalan.

Nandoon ka ba Huwan sa dating Bagumbayan
kung saan si Rizal namatay ng walang saysay
narinig mo ba ang hinaing ng sawing mamamayan
may pag-asa pa kaya ang perlas ng silanganan?

II. Ngitngit ng langit, unos na kay lakas
Hanging walang patawad, along napakadahas
Bagyong Yolanda sinalanta buong Visayas
kay dami ng namatay sa araw na walang bukas.

Sa tindi ng paghihirap at walang kahulilip na dalamhati
saklolo ng gobyerno kakapiranggot, kakaunti
sagot sa mga luhaan, pangako at panay sisi
mga bangkay na nagkalat, nanga-agnas sa pighati.

Buong mundo tumulong, sangkatauhan ay nakiramay
Bigas, tubig, damit at salapi ipinadala ng walang param
Ngunit ngitngit ng kulog, sa bulilyaso ni Soliman
Mga pagkain ay nabulok, mga tulong ay nasayang.

“Bahala na kayo sa buhay nyo” sabi ni Roxas na magaling
“E buhay ka pa naman” sang-ayon ni Abnoy na inutil
Sa duguang labing kinagat sa ubod ng pagngangalit
Buhay na hampas lupa, humalo sa uhog at luha na kay pait.

Wala na ang unos, dagat na ay payapa
Ngunit ang lupa ay humahagulgol sa kawalan ng pag-asa
Mga patay ay inilibing ng walang kabaong, walang awa
Pamahalaang inutil, panay satsat, wala namang ginawa.
Bangon na Huwan, bagyo na ay humupa
Langit na busilak puno ng panata
Bingi ka ba Huwan, bakit ang mga mata moy’ walang luha?
Piping mga labi, buhay ay wala na nga.
Taong 2014

Nobel Peace Prize ang tanging ambisyon
Ni Abnoy na huwad, pangulong pulpol
Sa MILF, MNLF, BIFF kasunduang panay suhol
Sa Malaysia nagpahalay na parang asong ulol.

Di bale nang mamatay mga sundalong sawi
Makapagyabang lang, tumaas lang ang ihi
Sa bangag na adhikain kapalit ay pighati
Nawalan na ng isip, Abnoy na panay sisi.

Samantala naman sa banda ng PDAF
Walang nangyari, mga tulisa’y nakatakas
mga alipores ni Abnoy at barkada ni Abad
Tuloy ang ligaya sa daang matuwad.

Tumingin kayo sa bundok ng Payatas
Doon ay samyuin ang baho ng pagka-korap
Pulubing patay gutom, pagkain ay “pagpag”
Masisikmura nyo kaya, Pilipinong sakdal hirap?

Sige kain pa, sige biyahe pa, sige mga halimaw
magpasasa sa yaman na inyong ninakaw
Huwag lang matulog, lahat at guwardyahan
Si Huwang may gulok, wala ng takot mamatay!
Taong 2015
Gaano kalalim ang bukal ng iyong luha?
Nagimbal ka ba sa apatnaputapat na kawawa?
pinatay, pinagbabaril, saka pinagtataga
Habang ang pamahalaan, ginawa ay wala!

Dumating ang mga kabaong ng mga bayaning patay
Sa katahimikan ng Diyos, sila ay hihimlay
Ngunit, ngitngit ni Barabas, ano itong kahayupan
Abnoy na Pangulo, nasa isang handaan.

Putang inang ‘yan at putang ina pa
Nasaan ang puso, ang pakikiramay sa aba?
Mas mahalaga ba ang sa Hapon ay makipagkita
Mga patay na bayani, wala talagang kuwenta?

Sa kanyang ngising aso, at tuluyang walang pake
Ipinakita sa mundo, katauhang parang tae
Ngunit lumusot din, wala ring nangyari
Pangulong karumaldumal, walang galang sa mga bayani.

Nagmumura ka ba Huwan, dibdib mo ba’y sasabog
Siya ba ay pangulo o isang Hudas na bugok
Kalmahin ang bulkan, ang pagngangalit ng loob
Panatiliing bagong hasa, ang kakambal na gulok!
Taong 2016
Botohan na naman sa bayan mo Huwan
Mga palalo at kurap sa puwesto’y nag-unahan
Walang pasubali, walang kahihiyan
Mga tunay na mandurugas, mga hari ng kabuktutan.

Isa sa kanila, Roxas daw na matino
Itutuloy daw niya, daang walang liko
Mataas na pinag-aralan labas naman ay bano
Sa puwit ni Abnoy, nakasiksik, nakatago.

Si Poe na Amerkano, anak ni Da King
popular na popular, mabigat ang dating
Niligawan ng husto ni Abnoy na matsing
Bise ni Roxas? ano ako, duling?

Nandoon din si Binay, Obama daw ng Pilipinas
Ngunit ang maitim ay budhi, hindi ang labas
Makating iniwan, ninakawan, binalasubas
Baboy na naka-aircondition ang siyang katulad.

Sa malayong Davao, si mayor ay sumugod
Pilipinas na kawawa, sa droga’y nakalugmok
Korapsyon hanggang langit pipiliting matapos
Patay kung patay, bahala na ang Diyos.

Nag-isip si Huwan ng malalim na malalim
buhay na dalita, punong-puno ng lagim
hirap at pasakit, walang tantan, walang pigil
sino sa kanila ang tunay na magiting?

Duterte ang sigaw ng masang naghihirap
ng mga mga matatandang naglaho ang pangarap
ng mga kabataang madilim ang hinaharap
ng milyong Pilipinong nawalan na ng bukas.

O, hindi, sigaw ng mga trapo at oligarkiya
Bastos na Duterte nanalo na nga
Kailangang ipursigi, operasyong pagsipa
Gamitin ang lahat upang si Mayor ay masira.

Tumingin si Huwan sa araw na bagong sikat
Sa kalawakan ng langit , sa pag-asang kumakalat
may badya ang unos ayon sa alamat
sa liwanag ng umaga at mapait na ngiti, hinasa ang itak.

Ito ang huling baraha ng buhay na sawi
Papatay o mamatay, di na mamimili
Pilipinas na mahal, kayumangging lahi
Tayo na’t lipulin ang  mga mang-aapi!

dan,mel&jim
18 Mayo, 2017

Advertisements

About danmeljim

Dan Jimenez was the Editor in Chief of The Corps Magazine from 1976 to 1977. After graduation, he never abandoned his ideas and continued writing. On October 1983, as a young Navy Lieutenant, he wrote an open letter addressed to Salvador Laurel who was then a leader of the opposition against President Marcos. It was published by almost all the dailies and earned for him the commendation of PMAAA, Inc. He immigrated to the US in 1986 but continued to write about the country of his birth. He has defended the Philippine Military Academy against claims of it being a Philippine Monetary Academy and a corrupt institution. Very recently, he posted commendation of Gen Bato de la Rosa and castigation of Senator Sonny Trillanes, which went viral. He continues to believe that "Ideas must reign supreme because personalities and individuals are as fleeting as the seasons." Always a plebe in his thinking, he will live by the adage: "The greatest failure is that never attempted."
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Any Comment?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s